Naghahanda na raw ang Task Force Philhealth para magsampa ng panibagong kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensiya kasunod na rin ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, gagamitin daw nilang ebidensiya ang resulta ng imbestigasyon ng Kamara at Senado.
Ibinunyag din ni Guevarra na base sa kanilang imbestigasyon, ang Information Technology (IT) system ng Philhealth ay walang centralize control kaya madaling manipulahin.
Ang legal division din umano ng ahensiya ang pinagmumulan ng iregularidad.
Kasabay nito, magpapanukala rin umano ang task force ng structural reforms para sa PhilHealth.
Hiniling na rin daw ng task force sa component agencies na bilisan ang ongoing investigations, special audits na kinasasangkutan ng mga opisyal ng PhilHealth.
Una rito, sinabi ni DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete na maliban sa mga senior officials, mayroon din umanong mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corp. Ang nagpahiwatig na rin ng kanilang interest sa pagtestigo sa Task Force PhilHealth.
Sinabi ni Perete ang mga empleyado umano mismo ang lumapit sa task force at nag-alok na magbibigay ng impormasyon na posibleng magamit sa imbestigasyon ng katiwalian sa korporasyon.
Pero sa ngayon ay patuloy umanong bina-validate ng task force ang kanilang mga testimonya.
Sa oras na makapagbigay daw ng mahalagang impormasyon at dokumento ang mga empleyado ay isasalang puwede na raw silang maging testigo at isasailalim din sa witness protection program (WPP) ng DoJ.
“There were employees who approached the Task Force, who wanted to testify. But we are validating first the content of their testimony and once we verify that what they would be giving us are important information and if they have documents to prove their allegations, then we might allow them to testify and maybe place them under the witness protection program,” ani Perete.