-- Advertisements --

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring kumpirmasyon ang PNP Crime Laboratory na ang nakuhang dalawang DNA samples ng isang lalaki at babae na hindi kabilang sa mga biktima ng pagsabog sa Jolo Cathedral noong Enero 27 ay mga banyaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP-Crime Lab Director, BGen. Rolando Hinanay, kaniyang sinabi na ang tanging na-establish nila batay sa nakuhang DNA samples ay isa itong lalaki at isang babae.

Ayon kay Hinanay, sa ngayon wala pang kakayahan ang PNP-Crime Lab para matukoy na ang nakitang pira- pirasong katawan ng isang babae at lalaki sa blast site ay mga banyaga ito.

Una nang iniulat ni Interior Sec. Eduardo Año na batay sa kanyang intelligence report, ang nagpasabog sa Jolo Cathedral ay mag-asawang Indonesian na mga suicide bombers, pero hindi naman ito kinumpirma ng AFP.

Samantala, patuloy naman ang modernization program ng PNP Crime Laboratory lalo na sa kanilang mga kagamitan.

Ayon kay Hinanay madagdagan ang kanilang mga gamit ngayong taon.

Parating na raw kasi ang kanilang mga biniling mga bagong kagamitan, gaya ng 18 bullet comparison microscope, at tatlong DNA rapid machine na nagagamit para mapadali ang pag examine sa mga DNA sample na kailangan sa mga kaso.

Umaasa si Hinanay na maisasabatas na ang panukalang pagkakaroon ng DNA data base system sa bansa.

Dahil malaki aniya ang maitutulong nito para mapabilis ang pagkuha ng DNA sample sa mga naaarestong suspek, convicted offender, detainee at drug dependents.