-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nahuli ng mga otoridad ang isa sa mga suspek sa SAP-44 massacre sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang naaresto na si Lakiman Klid Dawaling, 70 anyos, may asawa at residente ng Shariff Aguak Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao PNP Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na hinuli ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng PNP-BARMM at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BARMM) sa bayan ng Shariff Aguak.

Si Dawaling ay may warrant of arrest mula Regional Trial Court (RTC-12) Branch 15 sa Cotabato City.

Ang suspek ay isinangkot sa malagim na PNP-SAP 44 massacre noong Enero 25,2015 sa Brgy Tukanalipao Mamasapano Maguindanao.

Matatandaan na nagsagawa ng anti-terror operation ang PNP-Special Action Force (SAF) laban kay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan na kanilang napatay.

Nang lumabas na sa kuta ng mga terorista ang mga pulis ay nakasagupa nila ang pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at mga armadong sibilyan.

Umaabot sa 44 ang nasawi sa PNP-SAF, 15 sa MILF,9 sa BIFF at tatlo sa mga sibilyan.

Sa ngayon ay hawak ng CIDG-BARMM ang suspek at nakatakdang Ipresenta sa korte.