-- Advertisements --

NAGA CITY – Arestado na ng mga otoridad ang suspek sa pandudukot at panggagahasa sa 12-anyos na menor de edad sa Brgy. Lubgan Bula, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Patrick Occiano, 20-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na sa pamamagitan ng hot pursuit operation ng Bula Municipal Police Station, naaresto ang naturang suspek.

Batay sa imbestigasyon, dati na itong suspek sa panggagahasa sa isang 37-anyos na kinilalang si Aira residente ng Brgy. Casugad sa nasabing bayan.

Kung maaalala, nag-report sa mga otoridad ang nanay ng isang alyas Nene, 12-anyos, na pasado alas-3:00 ng madaling araw ng Pebrero 24 nang mawala ang biktima sa kanilang bahay at natagpuan na lamang itong nakagapos sa isang madamong bahagi, ilang metro mula sa kanilang bahay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.