Reading Time: 1 minute

TACLOBAN CITY – Arestado sa ginawang operasyon ng mga otoridad ang isa sa mga suspek ng pang-a-ambush sa mga kapulisan at pag-atake sa ilang police station Northern Samar.

Kinilala ang naaresto na pinaniniwalaang miyembro rin ng New People’s Army (NPA) na si Ricardo Goles, 31, magsasaka, at residente ng Zone 1 Sta. Fe, Leyte.

Ayon kay Maj. Rowel Baganes, PIO ng Samar Police Provincial Office (SPPO), si Goles ay isa sa mga suspek na nasa likod ng pang-ambush sa mga kapulisan sa Motiong, Northern Samar na nagresulta ng pagkamatay ni S/Sgt. Glenn Meniano at pagkasugat ni Patrolman Jane Abejar.

Maliban dito, ang naturang suspek din ang nasa likod ng pag-atake sa San Isidro Municipal Station at isa sa mga nahuli sa pag-atake naman sa Victoria MPS.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Motiong Municipal Police Station ang naturang suspek at nahaharap sa mga kaukulang kaso.