-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nanawagan ang administrator ng Philippine Red Cross o PRC-Aklan sa mga blood donor na mag-donate ng dugo sa nalalapit na Dugong Bombo 2025 sa Nobyembre 15 na may temang “ A Little Pain, a Life to Gain” dahil kinukulang na ang kanilang suplay.

Ayon kay PRC-Aklan Chapter Administrator Mary Joe Galeon, patuloy na tumataas ang demand sa suplay ng dugo, kung saan, malaking bilang ng bags ng dugo ang kanilang ipinapalabas.

Marami umanong sumasailalim sa mga surgeries at mga trauma cases gayundin ang mga nagda-dialysis at may cancer at mga vehicular accident na nangangailan ng blood transfusion.

Aniya, malaking tulong ang taunang Dugong Bombo ng Bombo Radyo Philippines at Bombo Radyo Philippines Foundation, Inc. na kadalasang buhos ang mga blood donors sa kanilang target na makasiguro na magkaroon ng sapat na dugo na naka-imbak sa kanilang blood bank.

Dagdag pa ni Galeon na ang pagdo-donate ng dugo ay dapat na boluntaryong ginagawa ng mga malulusog na indibidwal pero may maganda din itong naidudulot sa katawan ng donor.