-- Advertisements --
image 662

Pinawi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pangamba ng publiko sa agam-agam na posobleng kakulangan sa suplay ng tubig sa gitna ng nakaambang El Niño phenomenon ngayong taon.

Ayon sa ahensiya, mayroong sapat na kapasidad ang Angat dam para matustusan ang kinakailangang tubig sa Metro Manila para sa nalalabing buwan ngayong taon.

Ayon kay MWSS Administrator Leonor Cleofas, sa isinagawang simulation ng technical working group (TWG) sa Angat Dam na nagsusuplay ng 90% ng kinakailangang tubig sa Metro Manila at karatig na probinsiya, nagpapakita na nananatiling nasa “comfortable” level ang antas ng tubig sa dam sa buong dry season.

Nitong Martes, nananatiling lagpas sa minimum operating level na 180 meters ang antas ng tubig sa Angat dam na nasa 203.25 meters

Inihayag din ng MWSS official na ang epekto ng El Niño na inaasahang magsisimula sa Hunyo na magtatagal hanggang unang bahagi ng first quarter ng 2024 ay mararamdaman sa huling bahagi pa lamng ng taon at sa unang bahagi ng susunod na taon.

Nang tanungin naman ang opisyal kaugnay sa inilabas na advisory ng Maynilad na water interruptions sa ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite kada araw, sinabi ni Cleofas na magsasagawa ng pagpupulong ang MWSS kasama ang water concessionaire ngayong araw, Miyerkules, Marso 29 upang malaman ang kanilang dahilan.