CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang empleyado ng Lamsan Inc. sa nangyaring pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Eduardo Bulalao Ignacio, 41, may asawa at residente ng Brgy Poblacion 6, Cotabato City.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Arnold Santiago na habang nagbibiseklita ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Ramil Sindatok papauwi na ng kanilang tahanan mula sa kanilang trabaho ngunit pagsapit nila sa Brgy Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.
Agad binawian ng buhay ang biktima nang magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at likod habang nakaligtas ang kanyang kasama.
Sa ngayon ay blangko pa ang Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa motibo sa pagpaslang sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.