-- Advertisements --

Maglalaan ang administrasyong Marcos ng karagdagang P300 milyon na pondo para makumpleto ang construction ng Bukidnon Airport sa Don Carlos, Bukidnon pagsapit ng 2027.

Personal na ininspeksyon ni Executive Secretary Ralph Recto ang kasalukuyang konstruksyon ng paliparan sa Barangay Maraymaray.

Ayon kay Recto, layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matapos ang proyekto upang makalikha ito ng trabaho, makahikayat ng investments at mas maraming turista.

May kabuuang P3.17 bilyon nang pondo ang airport, kabilang ang P1.36 bilyon mula sa administrasyong Marcos.

Kapag naidagdag ang panukalang P300 milyon, aabot sa P1.66 bilyon ang kabuuang pondong inilaan ng administrasyon.

Ang nasabing paliparan ay mayruong 2,100-metrong runway na kayang tumanggap ng malalaking commercial aircraft gaya ng Airbus A320.

Mayroon din itong passenger terminal na kayang tumanggap ng hanggang 425 pasahero.

Inaasahang mapapabilis ng paliparan ang pagbiyahe ng mga produkto ng Bukidnon tulad ng pinya, saging, mais, kape, asukal at livestock patungo sa mas malalaking pamilihan.

Ayon kay Recto, kapag mas madali ang pagpunta at paglabas ng mga produkto at tao sa Bukidnon, mas maraming negosyo, trabaho at oportunidad ang maaaring malikha.

Kasama ni ES Recto sa isinagawang inspeksyun si Senator Juan Miguel Zubiri.