-- Advertisements --

Dumating na sa New Delhi, India si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para dumalo sa 18th BRICS Summit ngayong Setyembre 12 at 13.

Lalahok ang Pangulo sa summit bilang Chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong 2026 at bilang invited outreach country.

Inaasahang ilalahad ni Marcos ang mga prayoridad ng ASEAN at itutulak ang mas malawak na kooperasyon sa mga bansang kabilang sa BRICS, partikular sa mga usapin ng kalakalan, pamumuhunan, seguridad, food at energy security, at climate resilience.

Mahalaga rin ang paglahok ng Pilipinas sa summit dahil nagbibigay ito ng pagkakataon na palakasin ang ugnayan ng ASEAN sa mga pangunahing umuusbong na ekonomiya.

Bukod sa kanyang pagdalo sa BRICS Summit, nakatakda ring magkaroon ng bilateral meeting si Marcos kay Indian Prime Minister Narendra Modi para talakayin ang mga usaping kapwa mahalaga sa Pilipinas at India.

Ang pagbisita ni Marcos sa India ay bahagi ng kanyang foreign engagements bilang ASEAN Chair, kasabay ng pagsulong ng interes ng Pilipinas sa larangan ng ekonomiya, seguridad at regional cooperation.