Inaprubahan ng Senate Energy Committee sa pangunguna ni Senador Erwin Tulfo ang mga panukalang batas na naglalayong gawing mandatory ang insurance coverage para sa mga line worker at ideklara ang unang Lunes ng Agosto bilang National Line Workers Appreciation Day.
Kabilang sa mga inaprubahang panukala ang mga Senate bill na inihain nina Tulfo, Senador Francis Escudero at Senate President Sherwin Gatchalian para kilalanin ang kontribusyon ng mga line worker sa pagpapanatili ng suplay ng kuryente.
Inaprubahan din ng komite ang Senate Bill Nos. 498, 923 at 2448, kasama ang House Bill No. 7239, na naglalayong magpatupad ng mandatory insurance coverage at iba pang benepisyo para sa lahat ng line worker.
Sa ilalim ng mga panukala, magtatakda ng mandatory minimum coverage para sa life, accident at disability insurance ng mga line worker sa mga pribadong distribution utility, electric cooperative at transmission o grid operator sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Tulfo na mahalagang mabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga line worker dahil kabilang sa kanilang trabaho ang pag-akyat sa mga poste at pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente, lalo na kapag may bagyo, baha, lindol at iba pang kalamidad.
Kadalasang nagtatrabaho ang mga ito nang ilang oras, kabilang ang gabi, upang maibalik agad ang suplay ng kuryente sa mga apektadong komunidad.
Samantala, naaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa Kamara ang counterpart measure para ideklara ang National Line Workers Appreciation Day, na inakda ng 25 kinatawan.
Inaasahang ihahanda ng Senate Energy Committee sa susunod na linggo ang committee report sa mga panukala para sa sponsorship at pagtalakay sa plenaryo ng Senado.
















