KALIBO, Aklan — Umaasa ang lokal na pamahalaan ng New Washington sa Aklan na mapatuloy ang construction ng kanilang super health center na nakatengga hanggang sa ngayon kahit na ipinatayo ang pundasyon nito noon pang Setyembre 2024.
Ayon kay Mayor Shimonette Peralta-Francisco dismayado sila dahil tinibag ang dati nilang functional na Rural Health Center upang bigyang daan ang construction ng nasabing proyekto.
Lumabas aniya sa dokumento na P28 milyon ang inilaang pondo ng Department of Health para maisakatuparan ang dalawang palapag na super health center sa Barangay Poblacion, kung saan, P10 milyon ang nai-download na pondo sa nakaraang administrasyon para sa phase 1 nito na dapat sana ay natapos na noong Marso 31, 2025.
Gayunman, matapos ang kanyang inspeksyon, pawang mga poste at beam pa lamang ang makikita sa lugar.
Ipinangako umano sa kanila na may dagdag na P5 milyon na darating, ngunit sa kanyang pagsusuri hindi naman kasama ang proyekto sa Local Development Investment Plan at Annual Investment Plan of 2025.
Balak ni Mayor Francisco na magpapasaklolo kay Senador Bong Go upang mapatuloy ang construction at mapakinabangan sa lalong madaling panahon.
Ang operasyon umano ng kanilang dating RHU ay nagpanalo sa kanila sa kauna-unahang Seal of Good Local Governance dahil sa maayos na serbisyong pangkalusugan.
Dahil sa tinibag na RHU, pansamantalang ginagamit na health center ang evacuation center ng bayan.