Naalarma si Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo sa sunud-sunod na aksidente sa kalsada kung saan masaklap na nauuwi pa sa pagkasawi ng mga biktima.
Nitong May 1, 10 katao ang nasawi at 37 naman ang sugatan dahil sa karambola sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) Toll Plaza na dulot ng nakatulog na driver ng Pangasinan Solid North Transit Inc.
At ilang araw lamang ang nakalipas ay dalawang katao naman ang nasawi matapos araruhin ng isang SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Ayon sa paunang ulat, nataranta ang driver at imbes na preno ay aksidenteng naapakan nito ang silinyador.
Ayon kay Tulfo, bagama’t palaging sinasabi ng nakararami na ang aksidente ay hindi sinasadya, ito ay maaring maagapan o maiwasan.
Giit ng senador, dapat na maimbestigahan ang kaso ng bus driver na umano’y nakatulog habang nagmamaneho sa SCTEX kung ito raw ba ay overworked o lagpas anim na oras nang naka-duty.
Bukod dito, sinabi ng senador, na dapat ding higpitan ng Land Transportation Office (LTO) ang screening sa mga drivers na bibigyan ng lisensya at tiyakin na sila ay may sapat na driving skills at mentally fit na magmaneho — nang sa gayon ay hindi na maulit ang insidente sa NAIA T1 kung saan tila nagpanic ang driver ng SUV.