CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaniniwalaan na ang pagkabaon sa utang dahil sa KAPA ministry ang siyang dahilan nang pagpakamatay umano ng isang sundalo sa loob mismo ng kampo ng 4th ID, Philippine Army dito sa lungsod.
Kinilala ang nasabing sundalo na si Army Technical Sgt Rogelio Asuncion,40 anyos na tubong Negros Occidental ng Western Visayas.
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo mula sa hindi nagpakilalang kasapi ng intelligence group ng 4th ID, sinasabing na-depress si Asuncion dahil hindi inaproba ng AFPSLAI ang kaniyang loan na pambayad sana sa mga kasama nitong miyembro ng KAPA na kaniyang na-recruit.
Napag-alaman na aabot sa P300,000 umano ang kaniyang nakolekta mula sa kaniyang na-recruit at idinonate sa KAPA upang makakuha nang malaking return of investment.
Subalit nagkakataon na ipinasara ni Presidente Rodrigo Duterte ang operasyon ng KAPA kung kaya’y hindi na nila nakuha ang pera.
Una nito, nagtamo ng tama sa dibdib ang biktima matapos umano nagbaril sa sarili gamit ang kalibre 45 na baril.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing pangyayari.