-- Advertisements --

Tumalon sa barko ang isang miyembro ng Philippine Marines habang naglalayag ang sinasakyang barko sa bahagi ng karagatan ng Malamawi Island , Basilan patungong Zamboanga City, kamakalawa.

Kinilala ni Western Mindanao Command (Westmincom ) Spokesman Major Arvin John Encinas ang biktima na si Corporal Jun Malones, miyembro ng Philippine Marines na nakatalaga sa 84th Marine Company ng Marine Corps Assault Boat Battalion sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Encinas nang mangyari ang insidente ang biktima ay lulan ng commercial cargo vessel ( Queen Shaima-2 ) na galing sa Tanduh Batu Pier,Luuk,Sulu.

Laking gulat na lamang ng mga kasamahang pasahero nang biglang tumalon sa barko ang nasabing sundalo na nabigo na nilang mapigilan.

Nabatid sa opisyal na bago ang insidente ay ilang araw ng tulala ang nasabing sundalo na inaalam pa kung may problema sa pamilya o may ‘battle fatigue ‘ sa combat operation.

Sa kasalukuyan, nagdeploy na ang Philippine Navy ng search and rescue team upang hanapin ang nasabing sundalo.

Iniimbestigahan na rin kung ano ang pinagdadaanan ng biktima dahilan ng pagtalon nito sa barko.