Idedeploy ng Philippine National Police (PNP) ang kabuuang 9,821 pulis sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa September 14.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mas mataas ito kumpara sa dating plano na aabot lamang sa 9,800 personnel.
Ipapakalat aniya ang mga ito sa iba’t ibang lugar na sakop ng election security operations sa rehiyon, upang mapigilan ang anumang mga banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa naturang bilang, aabot mahigit 4,300 pulis ang magmumula sa Police Regional Office BARMM, habang ang mahigit 5,400 na karagdagang pulis ay pawang mga augmentation team mula sa ibang Regional Office at Specialized Units.
Malaking bilang ng mga deployed personnel ay idedeploy sa 4,313 voting centers.
Marami rin sa mga ito ay magbabantay sa mga COMELEC offices, treasurers’ offices, at checkpoints sa buong rehiyon.
Samantala, kabilang din sa deployment ang 1,754 Special Electoral Board personnel na tutulong sa mga election-related duties sa iba’t-ibang lugar.
Habang kabuuang 2,120 pulis ang itinalaga na maging bahagi ng Quick Reaction Forces para sa biglaang augmentation.















