-- Advertisements --

Inihayag ni House prosecutor Joel Chua na imposible pang maisalang ang Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer na si Edward Fajarda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa prosekusyon, naglabas ng medical bulletin na nag-aatas kay Fajarda na magpahinga ng 30 araw matapos nitong ma-stroke noong huling bahagi ng Agosto, kaya nagdesisyon ang panel na palitan ang kanilang diskarte at isalang muna ang kinatawan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Dahil sa kalagayan ni Fajarda, nagkasundo ang prosekusyon at depensa sa pamamagitan ng stipulation na siya ang itinalaga ni Duterte bilang SDO para sa confidential funds ng DepEd noong 2023 at siya ang nag-encash ng tatlong tseke na may kabuuang halagang P112.5 milyon.

Hindi naman nagkasundo ang dalawang panig sa salitang “disbursed” patungong Col. Dennis Nolasco, subalit tinanggap ng court sa panukala ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na “natanggap” nga ng security officer ang naturang pondo.

Humingi rin ng panahon ang prosekusyon upang magkaroon ng konsultasyon hinggil sa kung ganap na nitong ikakansela o iwawaksi ang subpoena na inilabas laban sa dating DepEd official.

Kasalukuyang inilalahad ng prosecution panel ang mga ebidensya para sa Article 1 ng impeachment complaint ukol sa umano’y maling paggamit at irregular liquidation ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.