-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Bibigyang pagkilala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang sundalong nasawi at 16 na nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinakyan na army truck sa Barangay Lanipao, Iligan City.

Malungkot na kinumpirma ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Major Arvin Encinas na binawian ng buhay si PFC Leondro de Asis ng 4th Mechanized Infantry Batallion, habang nilalapatan ng lunas sa loob ng pagamutan sa Iligan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Encinas na pauwi sana ang tropa matapos magbantay sa pamahalaang lokal ng Iligan na nagbibigay ng serbisyo publiko sa mga residente sa Barangay Kalilangan nang madulas ang army truck dahil sa pagbuhos ng ulan.

Hindi na aniya nakontrol pa ng military driver ang manibela kaya tuloy-tuloy itong nahulog sa 50 talampakan na lalim na bangin, dahilan upang malagay sa kritikal na kondisyon si De Asis.

Dagdag ng opisyal na maibibigay ng gobyerno ang kaukulang benepisyo lalo kay De Asis dahil nasa kasagsagan ito ng kanyang trabaho nang mamatay.

Sa kasulukuyan, ligtas na ang 13 sundalo at limang miyembro ng CAFGU na kabilang sa nagbigay seguridad sa local government officials kaugnay sa People’s Day sa lungsod kahapon ng umaga.

Nangyari ang madugong aksidente habang pauwi na ang security convoy pabalik sa Iligan City dakong alas-6:00 ng gabi.