-- Advertisements --

Naglabas na ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) para kay suspended Bureau of Corrections Director Gerald Bantag.

Ito ang kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento sa pagsasabing ipinapatawag na ng panel of prosecutors si bantag para humarap sa preliminary investigation.

Magugunitang si Bantag ay inakusahang nag-utos umano na patayin ang radio broadcaster na si Percy Lapid.

Noong nakaraang Lunes ay pormal na siyang sinampahan ng reklamong murder sa DOJ, pati na rin ang kanyang tauhan na si Senior Jail Officer 2 Ricardo Zulueta.

Ayon kay Malcontento, pinapaharap sa DOJ si Bantag sa November 23, 2022 at sa December 5, 2022.

Una nang iginiit ni Bantag na hindi siya susuko kung sakali namang may ilabas na warrant of arrest laban sa kaniya hangga’t nananatili sa pwesto si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Subalit tiniyak nitong kaniyang haharapin ang mga ibinabatong kaso laban sa kaniya kasama ang kaniyang mga tagasuporta sa oras na bakantehin daw ni Remulla ang kaniyang posisyon.

Sinabing dahilan ni Bantag kung bakit ito ang kaniyang kondisyon sa kaniyang pagsuko ay dahil pagtutulungan lamang aniya siya.

Una na ring sinabi ni Bantag na nasa peligro ang kaniyang buhay hangga’t kontrolado umano ni Remulla ang naturang kaso.