-- Advertisements --

CEBU CITY – Napagdesisyunan na ng Cebu City Council na isailalim sa state of calamity ang Sitio Lawis, Barangay Mambaling kasunod ng nangyaring sunog.

Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, wala pang eksaktong halaga kung magkano ang magagastos na calamity fund na ilalaan.

Hihingin pa kasi aniya nila ang listahan ng mga kakailanganing gamit ng mga biktima mula sa Department of Social Welfare and Development Services.

Kabilang sa listahan ang mga disaster kits at housing materials, gayundin ang financial assistance na kukunin mula sa Quick Response Fund.

Una nang sinabi at inutos ni Cebu City Mayor Mike Rama na madaliin ang pag-release ng financial assistance para sa daan-daang pamilya na naging biktima ng napakalaking sunog sa nasabing lugar.

Inutusan nito ang city treasurer na si Mare Vae “Ivy” Reyes na maghanda ng P20,000 na ayuda para sa mga nagmamay-ari ng bahay na nasunog, P10,000 para sa mga sharer, at P5,000 para sa mga umuupa.

Dagdag pa ni Rama, na kinakailangang maramdaman ng mga biktima na nanadyan ang gobyerno ng Cebu para sa kanila.

Umaasa rin ito na maibibigay ang ayuda sa Disyembre 1 at 2 upang makapagsimula muli ang mga biktima.