Naitala ang unang dayuhang nasawi sa Mt. Everest ngayong 2025 matapos bawian ng buhay ang isang Pinoy mountaineer sa Camp IV kagabi habang naghahanda para marating ang tuktok ng pinakamataas na bundok sa buong mundo.
Ito ay ang 45 anyos na si Eng. Philip Santiago II na parte ng Mountaineering Association of Krishnanagar- Snowy Everest Expedition 2025.
Kinumpirma ng pamilya ni Santiago ang malungkot na balita.Umapela naman ang pamilya ng nasawing Pinoy ng privacy sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Kahapon ay nakapagbahagi pa ng post sa social media si Santiago kung saan inanunsiyo niya na nasa huling yugto na sila ng pag-akyat sa Mt. Everest.
Hindi pa tiyak sa ngayon ang sanhi ng pagkasawi ni Santiago subalit gumagawa na ng paraan ang kaniyang team members para maibaba at madala sa base camp ang labi ni Santiago.
Ayon sa Department of Tourism ng Nepal, ito ang unang naitalang pagkamatay ng isang dayuhang climber sa Mt. Everest para sa kasalukuyang climbing season. Nauna nang naiulat na dalawang Sherpa support staff ang namatay matapos dapuan ng sakit sa base camp at isugod sa HAMS Hospital.
Ang Camp IV ay matatagpuan sa “Death Zone” ng Everest, isang delikadong bahagi ng bundok na may manipis na oxygen at matinding lamig, dahilan kung bakit lubhang mapanganib ang bawat hakbang pataas ng summit.