CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng tuluyan ng pulisya ang staff worker ni Deputy House Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez na umano’y sangkot nang pagtutulak ng ilegal na droga nitong lungsod.
Ito ay matapos ikinasa sa grupo ni Macabalan Police Station commander Capt Mario Mantala Jr ang anti-illegal drug buy bust operation upang maaresto ang suspek na 44 anyos na si Julius Datahan na residente sa Barangay Camaman-an ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Mantala na umaabot rin ng ilang buwan ang kanilang pagmamasid sa mga ikinilos ng suspek.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang umano’y tatlong sachets na mayroong laman na pinaghinalaang shabu at ang buy bust money habang isinagawa ang operasyon sa Isla Delta ng Barangay Consolacion ng lungsod kaninang hapon.
Samantala, nagpaabot naman ng pagsuporta si Rodriguez sa naging hakbang ng pulisya para mahuli ang kanyang tauhan.
Sa kanyang text messages na ipinaabot sa Bombo Radyo, inihayag nito na kailan man ay hindi nito kinatigan ang anumang ilegal na gawain ng kanyang mga tauhan lalo pagdating sa usapin ng illegal drugs.
Dagdag ng kongresista na bagamat hindi nila alam palihim na ilegal na gawain ng suspek subalit nararapat lamang na mananagot ito sa nalabag nito na batas at kaharapin ang kahihitnan ng isasampa na kaso.