-- Advertisements --

Nanawagan si Navotas Representative Toby Tiangco sa House of Representatives na ilabas ang kumpletong detalye ng alokasyong pondo sa bawat congressional district at party-list bago ang botohan para sa ratipikasyon ng 2026 General Appropriations Act sa Disyembre 29.

Ayon kay Tiangco, hindi maaaring bumoto ang mga mambabatas nang walang malinaw na impormasyon kung paano hinati ang badyet.

Aniya, mahalagang masiguro na walang distritong may sobra-sobrang alokasyon, at hindi na maulit ang nangyari sa 2025 GAA kung saan may mga pondong ipinasok nang hindi alam ng kinatawan ng distrito.

Samantala, iginiit ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na dapat ding ibunyag ang lahat ng tinatawag na “allocables” at “incentives” para sa mga kongresista sa ilalim ng 2026 budget.

Ayon sa mambabatas, may mga alokasyon umano mula sa iba’t ibang ahensya gaya ng DPWH, DOH, DSWD, DOLE, DA, NIA at DepEd, bukod pa sa opisyal na nakasaad sa mga dokumento.

Isiniwalat din ni Leviste na inalok umano siya ng mga “incentives” kapalit ng kanyang boto sa badyet.

Giit niya, may karapatan ang publiko na malaman ang lahat ng alokasyon at insentibo bago tuluyang ratipikahin ng Kongreso ang pambansang pondo sa 2026.