Ipapatupad na ng Social Security System (SSS) ang Pension Reform Program (PRP) simula ngayong Setyembre, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kasunod ng pakikipag-pulong kay Finance Secretary Ralph Recto.
Bunsod nito, magkakaroon ng taunang pagtaas sa pensyon hanggang 2027, kung saan 10% ang dagdag para sa mga retirado at may kapansanan habang 5% ang dagdag para sa mga survivor o benepisyaryo ng namatay.
Sa loob ng tatlong taon, aabot sa 33% ang kabuuang dagdag sa pensyon ng mga retirado at may kapansanan, at 16% naman para sa mga survivor pensioners.
Ayon sa SSS, ang pension reform program ay nakatuon sa tatlong layunin. Una ay ang pagtataas ng benepisyo para sa lahat ng pensyonado, pagprotekta sa halaga ng pensyon laban sa epekto ng inflation at pagtataguyod ng kahalagahan ng pagtatrabaho at pag-iipon, alinsunod sa Repaublic Act 11199 o Social Security Act of 2018.
Makikinabang naman sa programa ang milyun-milyong pensyonado, kabilang ang retirado/may kapansanan at survivor pensioners.
Inaasahan ding magpapasok ito ng humigit-kumulang ₱92.8 bilyon sa ekonomiya mula 2025 hanggang 2027.