Iginiit ng kampo ni Mary Jane Veloso na ilegal ang patuloy na pagkakadetene sa kulungan magpasahanggang ngayon.
Binigyang diin ni Atty. Edwin Dela Cruz ng National Union of Peoples Lawyers na ipinagbabawal sa batas na ikulong ang isang indibidwal sa kabila ng walang kinakaharap na pormal na kaso.
Ito aniya ang sitwasyon ni Veloso sa kasalukuyan kung kaya’t kinuwestyon ng naturang abogado ang pagkakakulong nito aabot ng higit isang taon.
Nanindigan ang kanilang kampo na walang kaso si Veloso sa Pilipinas at pawang biktima lamang ng ‘human trafficking’ sa ibang bansa.
Dahil rito’y inihayag pa ni Atty. Dela Cruz na ang hindi pagpapalaya kay Veloso ay maituturing ng ‘illegal detention’.
Kung kaya’t nanawagan siya kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. pati kay Department of Justice Sec. Fredderick Vida na ito’y bigyang linaw.
Harapin aniya nila si Veloso at pagbigyan na itong makalaya sa pamamagitan ng paggawad ng ‘clemency’ mula sa pangulo.
Ang mga magulang naman ni Mary Jane na sina Caesar at Celia Veloso ay muling nanawagan kay Pangulong Marcos Jr. na dinggin ang kanilang hiling na mapalaya ang anak.
Si Mary Jane Veloso ay maaalalang naiuwi pa rin sa Pilipinas noong 2024 sa kabila nang mapatawan ng parusang kamatayan sa Indonesia buhat madawit sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
















