Kung si Hall of Fame trainer Freddie Roach daw ang tatanungin, mas pipiliin niya raw sina Errol Spence Jr. o Danny Garcia ang dapat na sunod na makaharap ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

Ayon kay Roach, pinag-uusapan na raw nila sa kampo ni Pacquiao ang tungkol sa susunod na haharapin ng fighting senator, pero wala pa raw malinaw na sagot sa paksa.

“Regardless of who they pick, [Pacquiao’s] going to be ready,” wika ni Roach. “I hope they pick Errol Spence or someone good. He’ll be back I believe in February. They’re talking about that, but I’m not sure how close they are at getting it. Danny Garcia looks like a good fight,” said Roach.

Maalalang nasangkot si Spence sa isang aksidente kamakailan, at posibleng hindi pa ito makalabang muli sa Pebrero, na target daw na buwan ni Pacquiao sa kanyang pagtuntong sa ibabaw ng ring.

Bago naman harapin si Thurman, nasa radar din noon ni Pacquiao si Danny Garcia, na dating may hawak ng World Boxing Council (WBC) 147-lbs. title belt.

Maliban sa dalawa, sinabi ni Manny Pacquiao (MP) Promotions president Sean Gibbons na kasama rin sa kanilang pinagpipilian ang dating sparring partner ng Pinoy legend at dating WBC champion na si Shawn Porter.

Nitong Hulyo nang gulatin ni Pacquiao ang buong mundo makaraang maagaw nito ang WBA Super World welterweight belt sa dating walang talong si Keith “One Time” Thurman sa pamamagitan ng split decision.