-- Advertisements --

Muling pinagtibay ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang paninindigang isulong ang kapakanan ng mga magsasakang Pilipino, at tiniyak na mananatiling bukas ang Kamara ng mga Kinatawan sa sektor ng agrikultura at iba pang marginalized na grupo.

Ipinahayag ni Speaker Dy ang kanyang pangako sa isang pulong kasama ang mga magsasaka mula sa Nueva Ecija, Pangasinan, at Isabela.

Dumalaw ang grupo ni Rafael Mariano sa Tanggapan ng Speaker noong Martes upang ilahad ang kanilang mga mungkahi para sa pagpapabuti ng crop insurance at mga programang pangkabuhayan.

Bilang kinatawan ng ika-6 na Distrito ng Isabela at dating gobernador ng lalawigan, sinabi ni Dy na nakaugat ang kanyang mataas na respeto sa mga magsasaka sa karanasang namuno sa isang probinsyang nakasalalay sa agrikultura.

Buong suporta rin ang ipinahayag ng mga magsasaka sa panawagan ni Dy na ibalik sa 35% ang rice import tariff rate mula sa kasalukuyang 15%, na ayon sa kanila ay makatutulong upang maprotektahan ang lokal na mga magsasaka laban sa dagsa ng inaangkat na bigas.

Ayon sa mga magsasaka, ito ang unang pagkakataon na nakapasok sila sa opisina ng kasalukuyang House Speaker.

Ayon sa Speaker, ang kanilang mga programa sa Isabela ay nakatuon hindi lang sa produksyon ng ani kundi pati sa kinabukasan ng pamilya ng mga magsasaka. Ganyan din ang nais nating isulong sa pambansang antas—isang sistemang kumikilala, nagpoprotekta at tumutulong sa ating mga magsasaka.”

Muling iginiit ni Dy ang kanyang panawagan na muling pag-aralan ang Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law upang matiyak na ito’y tunay na nagsisilbi sa interes ng mga lokal na magsasaka.

Nais ni Speaker  na maibalik ang kontrol ng importasyon sa Department of Agriculture, at bigyan ng prayoridad ang pagbili ng lokal bago payagang mag-angkat at Unahin muna natin ang sariling ani bago ang imported.