Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa lahat ng opisyal ng barangay sa buong bansa na maging katuwang ng pamahalaan sa laban kontra korapsyon, sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa pagpapatupad ng mga proyekto sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa kanyang talumpati sa Liga ng mga Barangay Congress na ginanap sa World Trade Center, binigyang-diin ni Speaker Dy na ang pagpasa ng isang bukas at tapat na pambansang badyet ay unang hakbang lamang sa mas malawak na kampanya laban sa katiwalian.
Sinabi ni Dy na bilang isang lider na nagsimula ang karera sa barangay level sa lalawigan ng Isabela, binigyang-halaga nito ang papel ng mga lokal na opisyal sa pagbabantay sa aktuwal na implementasyon ng mga proyekto, matapos maaprubahan ang pambansang pondo.
Hinimok niya ang mga opisyal ng barangay na aktibong alamin kung anong mga proyekto ang ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang nasasakupan.
Paliwanag niya, sa pamamagitan ng aktibong koordinasyon sa DPWH district offices, mas madaling mababantayan ng mga lider-barangay ang kalidad at pagsunod ng mga proyekto sa itinakdang plano.