-- Advertisements --

Nagpakita ng malawakang pagkakaisa ang 97 mambabatas mula Metro Manila at Mindanao matapos nilang ipahayag ang buo at matibay na suporta kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na kanilang binigyang-pugay sa pagsusulong ng integridad at katatagan sa Mababang Kapulungan.

Sa Metro Manila, 30 sa 33 district representatives ang lumagda sa pahayag na kumikilala sa mahinahon at prinsipledong pamumuno ni Dy, lalo na sa gitna ng kontrobersiyang dulot ng umano’y katiwalian sa flood control projects. Pinuri rin nila ang pag-usad ng 2026 national budget at ang pagtulak ni Dy sa pagbuo ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption at sa Anti-Dynasty Bill.

Kasabay nito, naglabas din ng hiwalay na manifesto ang 67 Mindanao lawmakers na nagpahayag ng kanilang “firm at unwavering support” para sa Speaker.

Binanggit nila ang pangangailangan ng matatag at predictable na liderato upang mapanatili ang kapayapaan, kaunlaran, at kredibilidad ng mga institusyon.

Ang Metro Manila at Mindanao blocs ay nadagdag sa lumalawak na hanay ng mga sumusuporta kay Dy, kabilang ang Northern Luzon Alliance at ang 44 miyembro ng Party-list Coalition Foundation Inc., na kapwa nagpahayag ng tiwala sa kanyang pamumuno at sa isinusulong niyang reporma para maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.