Binawi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang travel clearance ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co at iniutos ang kanyang agarang pagbabalik sa Pilipinas sa loob ng sampung (10) araw, sa gitna ng mga “mabibigat na usaping pambansa” na nangangailangan umano ng kanyang presensya.
Sa isang liham na may petsang Setyembre 18, 2025, ipinaabot ni Speaker Dy kay Co na ang kaniyang travel clearance para sa personal na biyahe ay binabawi na, at epektibo kaagad.
Ayon kay Speaker Dy ang pagbawi sa travel clearance ni Co ay para pinakamataas na kapakanan ng publiko at dahil sa mga kagyat na usaping pambansa na nangangailangan ng kaniyang pisikal na presensya.
Binigyan ni Speaker Dy si Rep. Co ng 10 araw para umuwi ng bansa at sinabing kailangan ang kaniyang agarang pagbabalik upang tugunan ang mga isyu sa lalong madaling panahon.
Binigyang-diin din ni Speaker Dy na inaasahan ang agarang at mahigpit na pagsunod ni Co sa kautusan.
Nagbabala naman si Speaker Dy na ang kabiguang sumunod sa kaniyang utos sa loob ng itinakdang panahon ay ituturing na pagtangging kilalanin ang legal na proseso ng House of Representatives at maaaring magresulta sa kaukulang disiplina at legal na aksyon.