CAUAYAN CITY -Maaring nahawa si Sangguniang Panlalawigan Member Eunice Gambol ng Nueva Vizcaya ng COVID 19 nang magtungo sa isang fitness center sa bayan ng Solano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlalawigan member Gambol, kinumpirma nito na siya si CV833 na nakuhanan ng specimen sample noong August 31, 2020 at nakumpirmang positibo sa nasabing virus.
Sinabi ng SP member na bago siya sumailalim sa test ay nakaranas siya ng bahagyang paghina ng katawan, pag-ubo at panlalamig ng kamay at paa.
Noong gabi ng Biyernes ay dinala siya sa pagamutan dahil sa hirap na makatulog hanggang sa makumpirmang mayroon siyang Pneumonia
Pinahintulutan naman ng kanyang attending physician na sumailalim sa home quarantine ang opisyal ngunit sinabihan na kailangang sumailalim sa RT-PCR test hanggang sa makumpirmang positibo sa COVID-19.
Nagnegatibo naman sa virus ang kanyang mister at mayroon siyang hinala na nakuha niya ang sakit nang magtungo sa isang fitness center sa Bayan ng Solano na una nang may napaulat na nagpositibo.