Nais ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Kabayan Party-list Rep. Ron Salo na ma protektahan ang mga Filipino seafarers mula sa mga pag atake na nagbabanta sa buhay.
Inihain ni Rep. Salo ang House Resolution (HR) No.1651, kasama ang iba pang mga mambabataas na humingi ng mga kagyat na hakbang upang mapangalagaan ang buhay at kagalingan ng mga seafarers sa gitna ng patuloy na pag atake sa mga commercial shipping vessels na dumadaan sa Gulf of Aden at Red Sea.
Ang resolusyon ay kasunod din sa mga panawagan ng International Transport Workers’ Federation (ITF) at Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP).
Partikular na hinihimok nito ang mga may ari ng barko na ilihis ang mga sasakyang pandagat mula sa Dagat Pula at Golpo ng Aden hanggang sa magarantiya ang kaligtasan ng mga mandaragat.
Ang hakbang ay isinampa bilang tugon sa mga kamakailang insidente, kabilang ang missile strike sa M/V True Confidence off the Yemeni Coast, na nagresulta sa trahedya na pagkawala ng dalawang Filipino.
Dahil sa patuloy na pag-atake ng mga Houthi forces simula nuong October 2023, hindi na ligtas na daanan ng mga commercial vessels ang Red Sea at Gulf of Aden.
Ang nasabing resolusyon ay nananawagan din sa mga shipowners na bigyan ng sapat na proteksiyon ang mga barko at crew at maging sa maritime stakeholders, concerned United Nations (UN) organizations,at government agencies na magpatupad ng epektibong safety measures.
Inaatasan din ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) makipag-ugnayan sa mga international authorities para magpatupad ng kaukulang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mg Filipino seafarers.