-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Justice na kabilang sa inilabas na opisyal na listahan ng mga inirerekumendang makasuhan ng National Bureau of Investigation si dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez.

Sa kabila ng pagiging sangkot umano nito sa maanomalyang flood control projects, kinumpirma ng kagawaran na hindi pa kasama rito ang naturang mambabatas.

Kahapon kasi ay opisyal ng inilabas ng Department of Justice ang mga pangalan na inirerekumendang makasuhan ng kawanihan.

Bagama’t wala ang pangalan ni Cong. Romualdez, nangunguna sa listahan nito ay sina Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, mga senador na sina Chiz Escudero, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, former Senator Bong Revilla, at iba pa.

Kung kaya’t ipinaliwanag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kung bakit hindi ito isinama.

Dito niya itunuro na ang hindi pagsipot ng testigong si Orly Regala Guteza sa nakatakda sanang pagkikita nila ang siyang dahilan para sa ‘exclusion’ ng kongresista.

Giit ni Justice Sec. Remulla, kinakailangan pa munang maberipika at sumailalim sa ebalwasyon ang mga paratang at alegasyon nito na nagsasangkot kay former House Speaker Martin Romualdez.

Habang binigyang diin naman ng kalihim na ang Witness Protection Program ay di’ nangangahulugang para sa pagbibigay proteksyon lamang.

Kaugnay sa naunang pahayag ni Orly Guteza na hindi nito kailangan pa ng karagdagang seguridad, iginiit ni Sec. Remulla na kalakip sa programa pati ang mga posibleng isiwalat pa ng testigo.

Samantala, bukod pa kay Cong. Romualdez, ang kasalukuyang alkalde ng Makati na si Nancy Binay ay hindi rin napabilang pa sa listahan ng mga inirerekumendang makasuhan.

Ngunit ayon kay Justice Secretary Remulla, kanila na itong pinoproseso na kasunod nang idawit ang alkalde sa naganap na pagdinig sa Senado.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Department of Justice at pagberipika nito sa mga testimonyang nakakalap mula sa mga testigo.