
KORONADAL CITY – Pormal nang ipinatupad ang total lockdown sa South Cotabato bilang isang paraan upang maiwasan ang mas pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Batay sa Executive Order No. 18 ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr, isinasailalim ang lalawigan sa enhanced community quarantine at total calibrated lockdown.
Kabilang sa mga ipinapatupad dito ay ang pagbabawal sa mga non-residents ng South Cotabato na makapasok sa probinsya, patuloy na pagpasok ng suplay ng mga pagkain, gamot at basic commodities, pagsuspinde sa mass public transport sa loob ng 14 araw, at pagbabawal sa anumang mass gatherings gaya ng sabong.
Mananatili namang bukas ang mga supermarket, malls at mga botika, upang makabili pa rin ang mga mamamayan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, at ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng lahat ng mga city at municipal mayors sa kanilang mga Barangay Health Emergency Response Team sa pag-monitor ng kanilang nasasakupan.
Ayon kay Gov. Tamayo, kaniyang aakuin ang buong responsibilidad na ito kahit ang magiging gastos sa 14-day quarantine ngunit hinihingi rin nito sa mga mamamayan ang pag-intindi sa sitwasyon at pagtutulungan upang malampasan ang naturang problema.
Samantala, isinailalim na sa quarantine ang 18 doktor na nag-administer sa nasawing “person under investigation.”
Sa nabanggit na bilang, 13 sa mga ito ay public doctors habang lima sa kanila ay nagmula sa isang pribadong ospital.
















