Sa gitna ng isyu ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects na kinasasangkutan ng ilang politiko at kontratista, nilinaw ng dating “Pinoy Big Brother” housemate at ngayon ay construction businessman na si Slater Young na wala siyang anumang proyekto sa gobyerno.
Naglabas ng pahayag si Slater sa kanyang Instagram stories matapos siyang tanungin ng isang netizen kung nakinabang din ba siya sa buwis ng taumbayan. Aniya, “I do not have any government projects.”
Sa kasunod na post, binanggit din ni Slater na kahit dalawang dekada na siya sa industriya ng contruction, wala pa rin siyang marangyang sasakyan gaya ng Rolls-Royce.
‘The umbrella in my car was only a give away from a bank. Don’t me,’ dagdag pa niya.
Ang pahayag ni Slater ay tila patama sa kontratistang si Sarah Discaya, na sangkot umano sa iregular na flood control projects.
Maaalalang sa isinagawang pagdinig sa Senado noong Setyembre 1, inamin ni Discaya na pagmamay-ari niya ang ilang luxury vehicles tulad ng Rolls-Royce, Mercedes Benz, Bentley, Cadillac Escalade, Range Rover, GMC, Suburban, at G63.
Isa raw sa mga binili niyang kotse ay dahil lamang may kasamang built-in na payong.