-- Advertisements --

Inisyuhan na rin ng cease and desist order (CDO) ng National Telecommunications Commission (NTC) ang isa pang kompaniyang nasa ilalim ng Lopez group of companies na Sky Cable Direct Broadcast Satellite Service.

Ang ABS-CBN Corporation subsidiary na Sky Cable wala na raw karapatang magpatuloy, kung susuriin ang hawak nitong mga dokumento.

Sa tatlong pahinang kautusan, iginiit ng NTC na nagpaso na ang legislative franchise ng Sky Cable noong Mayo 4, 2020 na nakasalig sa Republic Act No. 7969.

Binibigyan naman ng 10 araw ang kompaniya para sumagot kung bakit hindi dapat tuluyang tanggalin ang ibinigay ditong prangkisa.

Kahapon ay sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na ipinatutupad lamang nila ang legal na proseso para sa mga nagpasong prangkisa at ibinigay na gabay sa kanila ng abogado ng pamahalaan o ang Solicitor General (SolGen).

Samantala, inatasan din ng NTC ang Sky Cable na i-refund ang mga ibinayad ng costumers nito, maging iyon man ay sa pamamagitan ng prepaid loads, deposito, advanced payment o ang mga nakolekta mula sa mga bagong aplikante.