CAUAYAN CITY- Dinakip ang isang SK Chairman na kabilang sa listahan ng Directorate for Intelligence sa isinagawang drug buy bust operation sa Brgy. Saranay, Cabatuan, Isabela.
Ang suspect ay si Joren Palomeno, 24 anyos, binata, SK Chairman at residente ng Brgy. Centro, Cabatuan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isinagawa ang anti-illegal drug buy bust operation laban sa suspect ng pinasanib na puwersa ng mga kasapi ng Cabatuan Police Station, Provincial Intelligence Unit – Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office at PDEA Region 2.
Naaktuhan si Palomeno na nagbebenta ng isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Nakuha pa sa kanyang pag-iingat ang buy-bust money, dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at isang cellphone.
Nasa pangangalaga na ng Cabatuan Police Station ang suspect habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PNP Crime, Laboratory sa Cauayan City para sa laboratory examination.
Siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, itinanggi naman ni Palomeno na sa kanya ang mga nakuhang iligal na droga.