-- Advertisements --

Patay ang isang lalaki sa Dasmariñas, Cavite matapos siyang pagbabarilin ng isang motorcycle rider habang bumibili ng isda sa palengke.

Batay sa kuha ng Closed-Circuit Television (CCTV) sa pinangyarihan ng krimen, dumaan ang suspek na nakasakay sa motorsiklo at umikot.

Pagkahinto sa palengke, bumunot siya ng baril at agad pinaputukan ang biktima.

Isang customer naman ang sugatan matapos tamaan ng bala sa binti habang tumatakbo palayo mula sa lugar ng pamamaril.

Sa inisyal na ulat ng Dasmariñas City Police Station, nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, nagpapagaling sa ospital ang isa pang tinamaan ng bala.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at ang posibleng motibo sa pagpatay.