-- Advertisements --

Inihayag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na hindi na makakalaya si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber nitong Biyernes, Nobiyembre 28 ang apela para sa interim release o pansamantalang paglaya ng dating Pangulo.

Sa post sa kaniyang online accounts, sinabi ng dating Senador na ito ay bilang kabayaran umano sa libu-libong Pilipinong pinapatay ng dating Pangulo.

Saad pa ni Trillanes, na ngayong natuldukan na ang interim release kasunod ng desisyon ng Chamber, sana’y tumigil na rin aniyang magpaasa ang kampo ng dating Pangulo sa kanilang mga tagasuporta.

Sa ngayon, nananatili ang 80 anyos na dating Pangulo sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands, habang nakabinbin ang pagdinig sa kumpirmasyon sa inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya dahil sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang war on drugs.