-- Advertisements --

1tubaran1

Normal umano ang sitwasyon sa isinasagawang special elections sa bayan ng Tubaran, Lanao del Sur ngayong araw.

Ito ang latest report ni Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional firector B/Gen. Arthur Cabalona.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gen. Cabalona kaniyang sinabi na hanggang ngayong tanghali ay patuloy ang pagboto ng mga residente sa tatlong polling centers sa Tangcal, Tubaran Proper at Buribid, sa naturang bayan.

“As of 10am kanina walang disturbance,smooth ang flow,” wika ni BGen. Cabalona.

Sinabi ni Cabalona nasa 8,000 residente ng 12 barangays sa naturang bayan ang inaasahan boboto ngayong araw.

Mahigpit naman ang bilin ni Cabalona sa mga pulis na nagsilbing mga electoral board na gawin ng tama ang kanilang trabaho.

Aniya, may natututunan na ang PNP sa nangyaring halalan noong May 9 lalo na ang kumalat na video na pinupunit ng mga pulis ang ilang balota.

Samantala, personal na nasa lugar si PNP Director for Operations PMaj. Gen. Valeriano De Leon para pangasiwaan ang Security operation ng PNP.

Ayon kay de Leon, may na-monitor ang PNP na mga armadong indibidwal pero tiniyak niya na hindi makakalapit ang mga ito sa polling centers dahil sa mahigit isang libong tauhan ng PNP at AFP na nakabantay sa Tubaran.

1tubaran3

Samantala, una rito maayos na nagsimula kaninang umaga ang special elections.

Ito’y sa gitna ng mabigat na seguridad na ipinatupad ng PNP at AFP sa naturang bayan.

Ayon kay PMaj. Gen. De Leon, mula kahapon ay naka-full alert na ang PNP sa lugar.

Sa ulat naman ni PCol. Jeffrey Fernandez ng Regional Special Operations Task Group, na nangangasiwa ng seguridad sa lugar, nakahanda ang mga tropa sa posibleng banta ng harassment mula sa mga supporter ng mga mayoralty candidate.

Mahigit 700 tauhan ng PNP ang naka-deploy sa lugar para magpatupad ng seguridad kabilang ang 171 tauhan ng PNP Special Action Force (SAF), 96 na tauhan ng Civil Distrirbance Management (CDM) unit, 252 tauhan ng Regional Mobile Force Battalion, 56 na augmentation Force mula sa iba’t ibang Municipal Police Station at 25 Hijab troopers.

Habang nagsisilbi naman bilang Special Board of Election Inspectors ang 52 mga pulis.