-- Advertisements --

Hindi pa masabi sa ngayon ng Department of Health (DOH) kung ligtas na bang ilagay sa ilalim ng Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, susuriin pa nila ang mga “safe places” at mga sitwasyon sa ospital sa NCR bago magdesisyon hinggil sa pagluluwag ng restrictions sa rehiyon.

Ito ay kahit pa nakikita naman aniya nila na magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) cases hanggang sa ikalawang linggo ng Marso.

Iginiit ni Vergeire na hindi pa rin ito sapat para babaan ang alert level sa Metro Manila.

Kahapon, Pebrero 7, sinabi ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na “premature” pa para luwagan ang COVID-19 community quarantine sa Metro Manila mula sa kasalukuyang Alert Level 2 na tatagal hanggang Pebrero 15.

Talamak pa rin kasi aniya sa ngayon ang hawaan kaya kailangan pa ring maging mapagmatyag sa lahat ng oras.

Mababatid na sa ilalim ng Alert Level 1, magiging mas maluwag pa lalo ang galaw ng publiko kahit pa mayroon pa ring restrictions sa ilang mga aktibidad o mga lugar na sarado at masikip.