(Update) BACOLOD CITY – Nagpapagaling na ang tatlong buwang sanggol na nahulog sa ilog matapos maputol ang hanging bridge sa venue ng fluvial parade ng pagdiriwang ng Sinulog Festival sa Kabankalan City, Negros Occidental.

Batay sa ulat, nasa kalagitnaan ng parada nang mag-collapse ang Camugao Suspension Bridge at mahulog ang mga nakapwestong tao sa ilog, kabilang na ang isang tatlong buwang sanggol na babae.

Ayon sa Kabankalan City Disaster Risk Reduction and Management Office, na-rescue ng volunteer responder ang sanggol kaya’t nadala ito sa ospital.

Sa ngayon, nasa intensive care unit pa ang sanggol ngayon ngunit nasa stable ng kalagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Ruby Parolanan na dumalo sa fluvial parade, na naging alerto naman ang mga rescue personnel ng Kabankalan City nang maputol ang kable sa hanging bridge at tumagilid.