-- Advertisements --

Patuloy ngayon ang pakikipag-ugnayan ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente para sa isasagawang single candidate/team-panel interview.

Ito kasi ang magiging format ng debate matapos kanselahin ng komisyon ang townhall debate dahil sa aberya ng organizer ng event na Vote Pilipinas sa Sofitel hotel kung saan ginanap ang una at ikalawang debate.

Isasagawa sana ang debate sa Abril 30 at Mayo 1.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, mabibigyan naman daw ng tig-isang oras ang mga kandidato para sa panel interview.

Puwede naman daw itong daluhan ng kandidato ng face-to-face o virtual.

Ang airing ng mga interview ay ipapalabas naman sa May 2 hanggang 6.

Una rito sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) President Herman Basbaño, sinabi nitong patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Comelec para matuloy sana ang naturang debate.

Kung maalala, ang KBP ang sumaklolo sa Comelec matapos mabalitaang pumalpak ang organizer ng event matapos bigong magbayad sa hotel na pinagdausan ng debate.-

Ang hakbang na ito ng komisyon at KBP ay bilang konsiderasyon na rin umano sa scheduling conflicts dahil sa homestretch ng campaign period.

Mag-iisyu naman ang Comelec ng advisory kaugnay ng naturang event sa lalong madaling panahon.