Nakatakdang magpatupad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng mas mataas na premium rate sa mga miyembro nito.
Alinsunod ito sa Universal Health Care (UHC) Law na plano namang simulan sa darating na buwan ng Hunyo.
Ayon kay PhilHealth Senior Manager for Formal Sector-member Management Group Rex Paul Recoter, ngayong taong 2022 ay nasa sa 4% ang kanilang magiging premium rate, habang nasa P10,000 ang halaga ng income floor, at P80,000 naman ang income ceiling.
Ibig sabihin nito ay papalo na dapat sa P400 ang halaga ng monthly PhilHealth contribution ng bawat indibidwal na kumikita ng P10,000 kada buwan, kung kaya’t dapat ay papalo na sa P4,800 ang annual premium ng nasabing mga indibidwal.
Aabot naman sa P3,200 ang magiging monthly contribution ng mga miyembrong mga sumasahod ng hanggang P80,000 kada buwan na may katumbas naman na P38,400 na annual PhilHealth contribution ng mga ito.
Samantala, ang mga direct contributor naman na una nang nakapagbayad na may 3% lamang na premium rate ay kinakailangan pa rin na bayaran ang natitirang 1% na premium rate differential hanggang December 31, 2022 nang walang interes.
Magugunita na noong 2021 ay sinuspindi ng PhilHealth ang kanilang hike contributions sa mga miyembro nito upang makabawas na rin sa hirap na pasan ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng pandemya.
















