-- Advertisements --

Isasama ng House prosecution panel sa impeachment trial ang isang court sheriff na nasangkot noon sa isang kontrobersyal na insidente kay Vice President Sara Duterte.

Batay sa inilabas na pre-trial brief ng mga prosecutor, kabilang si Abe Andres sa walong testigong inaasahang magbibigay ng testimonya kaugnay ng mga alegasyon laban kay VP Sara.

Si Andres ang sheriff na nagpatupad ng demolition order sa isang pinag-aagawang lupa sa Barangay Soliman, Agdao District sa Davao City noong 2011, nang magkaroon ng komprontasyon sa noo’y alkalde ng lungsod na si Sara Duterte.

Sa naturang insidente, iniulat na nagtamo si Andres ng mga sugat matapos umanong suntukin sa mukha at likod ng Bise, dahilan upang siya ay dalhin sa ospital.

Ayon sa House prosecution panel, gagamitin ang testimonya ni Andres upang suportahan ang kanilang alegasyon na may posibilidad umanong gumamit ng dahas si Duterte.

Kasama rin sa listahan ng mga testigo ang ilang miyembro ng law enforcement agencies at mga mamamahayag na may kaugnayan sa mga isyung nakapaloob sa impeachment complaint.

Isa sa mga unang inaasahang talakayin ng prosekusyon sa paglilitis ang alegasyon ng umano’y pagbabanta laban sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos,at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa mga prosecutor, makatutulong ang mga testimonya upang maipakita ang kabuuang batayan ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.