Sinimulan ng House prosecution panel ang Day 22 ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng paghiling sa Defense team na mag-stipulate ukol sa mga transaksyon ng dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer na si Edward Fajarda.
Kabilang sa mga inihain ng prosekusyon ang pag-encash ni Fajarda ng tatlong tseke mula sa DepEd na may kabuuang halagang P112 milyon o tig-P37.5 milyon bawat isa.
Humiling din ang House panel ng kasunduan ukol sa pag-disburse o pag-turn over ni Fajarda sa naturang halaga kay Col. Dennis Nolasco na dating Deputy Commander ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Bagaman nagkaroon ng argumento sa pagitan ng magkabilang panig hinggil sa pagkakaiba ng mga terminong ‘turn-over’ at ‘disburse’, napagkasunduan pa rin sa pamumuno ni Trial Presiding Officer Chiz Escudero na tunay na natanggap ni Nolasco ang nasabing pondo.
Hiniling din ng prosekusyon na tanggapin ng depensa na ibinigay ni Fajarda kay Nolasco ang halaga batay sa utos ni Vice President Duterte, tulad ng naunang pahayag ng opisyal sa pagdinig ng House Justice panel.
Kabilang naman sa counter-stipulation ng Defense team ang paglilinaw na walang direktang kaalaman si Fajarda sa aktwal na paggasta ng pondo kahit siya ang pumirma sa ilang certification sa pag-disburse nito.
Sa kabuuan, tinanggap ng depensa ang karamihan sa 13 request for stipulation ng House panel matapos kumpirmahing hindi na makatetestigo si Fajarda sa paglilitis dahil sa kaniyang kondisyong pangkagalingan.
















