Hinarang ng Malacañang ang unang kautusan nito na hanggang sa July 31, 2022 lamang mananatili sa kanilang puwesto ang mga itinalagang officers in charge (OIC) sa mga departamento at non-career executive officials na may career executive service position sa sangay ng ehekutibo.
Sa nilabas na amendment at supplemental memorandum circular number one na pirmado ni Executive Secretary Victor Rodriguez, pinalalawig nito ng hanggang December 31, 2022 ang serbisyo ng mga nabanggit na opisyal.
Ito umano ay may bisa hanggang wala pang naitatalagang bagong opisyal si Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Rodriguez, ito ay para masiguro ang tuloy-tuloy at epektibong paghahatid ng serbisyo ng gobyerno, lalo na ngayong umiiral pa rin ang pandemya.
Nakasaad din sa inamyendahan at supplemental memorandum na walang mga bagong kontrata, proyekto o pagpapalabas ng malalaking pondo ang dapat na ipalabas ng alinmang departamento, kagawaran o tanggapan hangga’t wala pa ang bagong opisyal na itinalaga ng pangulo.
Hindi rin maaaring pumasok sa bagong kontrata o proyekto ang mga GOCC, government instrumentalities na may corporate powers, government corporate entities, at government financial institutions hangga’t walang bagong sets ng directors ang itinatalaga at ang chief executive officers ay nahalal sa ilalim ng kani-kanilang charters, articles of incorporation at by laws.
Gayundin, bawal magpasok ng bagong kontrata at proyekto ang mga free port at special economic zone authorities hanggang wala rin silang mga bagong itinalagang mga opisyal.