Kinuwestyon ni House Impeachment Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang tiwala sa mga lokal na korte, dahil aniya’y taliwas Ito sa nauna nang argumento ng kanilang kampo na gumagana ang sistema ng hustisya sa Pilipinas at dito dapat nililitis ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa halip na sa International Criminal Court o ICC.
Ayon kay Chua, magkakasalungat ang naturang mga pahayag ni Duterte, lalo na’t abogado ang Bise Presidente at kabilang sa mga opisyal na inaasahang gumagalang sa mga korte at hukom.
Sinabi rin ng Mambabatas na maaaring magkaroon ng disciplinary action laban kay Duterte kung may magsampa ng kaukulang reklamo kaugnay ng kaniyang mga pahayag.
Aniya, Hindi umano angkop para sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang paggawa ng malawakang pahayag na kumukuwestyon sa mga korte.
Nagmula ang pahayag ni Duterte sa pagharap niya sa Quezon City Regional Trial Court noong Setyembre 5 upang magpiyansa sa tatlong counts ng grave threats.
Sinabi niya noon na hindi siya nagtitiwala sa korte at pulisya dahil sa pangamba sa kaniyang seguridad.
















