Naghain ng resolusyon si Senator Jinggoy Estrada na nanawagan ng imbestigasyon kaugnay sa security protocols sa loob ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Ito ay matapos ma-hostage si dating senador Leila de Lima.
Inihayag ni Estrada sa isang resolusyon na bagama’t kapuri-puri ang mabilis na pagkilos ng mga pulis na nagligtas kay de Lima, ang insidente ay hindi magandang reflection sa kapasidad ng PNP na ma-secure ang bansa.
Na-hostage si De Lima ng kapwa preso na si Feliciano Sulayao Jr., matapos ma-neutralize ng mga pulis ang kanyang dalawang kasamahan na parehong nagtangkang tumakas.
Kalaunan ay napatay din si Sulayao, ngunit ang insidente ay nagbangon ng mga katanungan sa kaligtasan ng mga opisyal ng pulisya at mga bilanggo.
Kasalukuyang nasa loob ng PNP General Hospital si De Lima habang inireklamo ang pananakit ng dibdib matapos idiin ni Sulayao ang kutsilyo sa kanyang dibdib.
Gayunpaman, sa pangkalahatan ay hindi siya nasaktan pagkatapos ng insidente.
Ngunit bukod sa isyu ng hostage-taking at pagtatangka ng mga preso na makatakas, nais din ni Estrada na maimbestigahan ang mga reklamong inihain ni Sulayao nang i-hostage niya si de Lima, dahil sinabi ng hostage-taker na pinapakain sila ng mga pork meal.
Si Sulayao, isang Muslim, ay bawal kumain ng pork products.