-- Advertisements --

Tatlong grupo na ang nakakuha ng permit para makapagsagawa ng rally malapit sa Batasang Pambansa, kasabay ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay PCapt. Febie Madrid, spokesperson ng Quezon City Police District, ang mga ito ay pinapayagang makapaglabas ng saloobin kontra o pabor man sa SONA sa nakatakdang oras.

Gayunpaman, ipinagbabawal ang pagmamartsa sa mga lansangan, lalo na sa mga pangunahing ginagamit, upang hindi pa rin maapektuhan ang daloy ng trapiko sa kabila ng mga serye ng protesta.

Kabilang sa mga nakakuha ng permit ay ang grupong Bayan na isa sa mga pangunahin at regular na nagsasagawa ng kilos-protesta tuwing SONA at iba pang mahahalagang pagdiriwang sa bansa.

Nabigyan din ng permit ang isang pro-government group na Maharlika, habang isa pang grupo ang pinayagan ding magsagawa ng rally malapit sa Batasan.

Maliban sa pagmartsa, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsusunog ng mga effigy atbpang mga bagay, tulad ng nakagawiang ng mga militanteng grupo.

Ayon kay Capt. Madrid, libo-libong pulis ang magbabantay sa palibot ng Batasan habang libo-libo rin ang idedeploy sa mga lansangan atbpang pampublikong lugar upang masigurong maayos at ligtas ang kabuuan ng pag-uulat ni Pang. Marcos.

Tulad ng dati aniya, ipapatupad pa rin ng PNP ang maximum tolerance sa lahat ng pagkakataon.